Nang Mag-Abroad si Angge
by Anah Galathea
Isa lamang ako sa kakaunting Filipinong hindi nangarap magtrabaho sa abroad. Katwiran ko, maganda naman ang trabaho ko sa Pilipinas at hindi kinakailangang iwanan pa ang pamilya. Mataas ang posisyon, malaki ang sahod, at halos tatlong beses lang ako pumasok sa isang Linggo; ano pa ba ang hahanapin ko?
Nang umalis ang nakababata kong kapatid papuntang Dubai, wala sa hinagap kong sumunod sa kanyang yapak. Madalas sabihin nga niyang, “Sis, kukunin kita pag naka-one year na ko dito…” Ako naman, di ko siya sineseryoso. Hanggang sa binuksan ng aking best friend na si Gelie ang ideyang seryosohin ko na ang bagay na ito. Si Gelie naman ay nasa Bahrain. Isang maliit na bansa sa Gitnang Silangan.
Sa kabila ng aking di pagseseryoso, nagulat na lang ako nang ayos na pala lahat ng papeles ko at pinadala na ng magiging amo kong Arabo ang aking Visa. Hindi ako makapaniwala. At isang araw, na-realize kong ako’y lilipad na. Naisip ko, “I will never be the same again.”
Ito na siguro ang pinakamalaking sugal na ginawa ko sa aking buhay. Lahat first time. Bitbit ang sandakot na lakas ng loob, nagpaalam ako sa aking pamilya na maluha-luhang hinatid ako sa Airport. Hindi ko hinayaang pumatak ang isa mang luha sa harap nila. Ayokong maramdaman nila ang sakit kapag nakita nila ang aking luha.
Sa loob ng mahigit 27 taon, pinalaki kami ng aming magulang na parang larvae sa cocoon. Prinoteksyonan nila kami na parang mga prinsesang bawal masaktan. Hindi kami nakatikim ng night life o tumikim man lang ng alak. Bahay-Church-Trabaho. Doon umikot ang aming mundo.
Pagsapit ko sa Bahrain, doon ko na-realize na matagal-tagal pala kami di magkikita ng aking pamilya. Inatake ako ng homesickness, takot, alinlangan kung kalooban nga ba ng Diyos ang desisyon kong ito.
Sa mga sumunod na buwan, marami akong pagsubok na naranasan. Natutunan kong masakit pala dahil minsan, kapwa Pinoy mo pa ang hihila sa iyo pababa. At bilang dayuhan sa isang bansa, mamumulat ka sa maraming katotohanang susubok sa iyong pananampalataya at prinsipyo.
Nakakalungkot, nakita ko kung paano ituring ang mga Pilipina bilang mababang babae. Marami ring kaso ng mga Pinoy na naloloko ng kanilang kalahi o iba man. At marami ring pati dito sa Bahrain, ginagamit ng Pinoy ang kanyang talino sa pagsasamantala ng kapwa.
Salamat sa Diyos at nadala ako isang Christian church. Marami ring Filipinong katulad ko na nagbago ang buhay mula nang tanggapin si Kristo. Sama-sama kaming nagbabahagi ng Salita ng Diyos sa mga Filipino, sa mga Bahraini, sa mga Indians, at iba pang lahi. May mga Muslim, Hindu, Buddhist, na nababahaginan ng Mabuting Balita. Tama ang sinabi ni Benny Hinn, na ang pinakamalaking himala ay ang himala ng isang makasalanang nagbabago ang buhay para kay Jesus!
Hindi biro ang mangibang-bansa. Kaylangan matibay and pundasyong nakatanim sa iyo. Ang Salita ng Diyos at ang mga values na itinanim ng iyong mga magulang ang siyang maghahatid sa iyo sa mabuting landas upang manatiling buo ang iyong kaluluwa.
Nasagot din ang aking katanungan kung kalooban nga ng Diyos ang aking pag-aabroad. Ang isang taong di nangarap o nagplanong makipagsapalaran sa ibang bansa ay ngayon ginagamit ng Panginoon sa ikalalaganap ng Kanyang Salita. Purihin ang Diyos!

























